-- Advertisements --

Hindi na nakakagulat ang mataas na rating ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa pinakahuling survey dahil sa ipinakita nitong sipag at dedikasyon na makapaglingkod sa mga Pilipino.

Ito ang inihayag ng Young Guns ng House of Representatives.

Sinabi nina House Assistant Majority Leaders Amparo Maria “Pammy” Zamora ng Taguig City, Paolo Ortega ng La Union, at Jay Khonghun ng Zambales na ang mataas na performance at trust rating ni Speaker Romualdez ay resulta ng kanyang kasipagan, dedikasyon, at mahusay na pamumuno.

Sinabi ni Zamora na ang dedikasyon ni Speaker Romualdez sa kanyang tungkulin at masipag na pagtatrabaho ay naging susi sa magandang performance ng Kamara de Representantes at pagtaas ng tiwala ng mga Pilipino sa kanya.

Sinang-ayunan ni Ortega ang sinabi ni Zamora, at binanggit na kitang-kita ang masipag na work ethic ni Speaker Romualdez sa kanyang patuloy na pakikipag-ugnayan sa mga mambabatas at mamamayan.

Dagdag naman ni Khonghun, ang mga rating na ito ay nagpapakita ng tagumpay ng pinuno ng Kamara sa pagbuo ng isang epektibong proseso ng lehislasyon at sa pagbibigay ng kapangyarihan sa kanyang mga kasamahan.

Ayon kay Ortega, ang masiglang pamamaraan ng Speaker ay nakapagpataas ng moral ng mga mambabatas at nagtutulak ng makabuluhang progreso sa lehislasyon.

Pinasalamatan din ni Khonghun si Romualdez dahil sa paglikha ng isang masigasig na kapaligiran ng pagtutulungan sa loob ng Kamara.