Pansamantalang itinigil ngayong araw ang pagsipsip sa langis na karga ng lumubog na MT Terra Nova sa Manila Bay dahil sa banta ng bagyong Enteng.
Iniutos ito ng Philippine Coast Guard upang maiwasan ang banta sa buhay ng mga nagsasagawa ng siphoning operations.
Agad namang tumalima ang kinuntratang salvor team na Harbor Star at tiniyak na naka-secure ang mga siphoning lines, containment equipment, atbpa.
Pansamantala ring sinuspinde ang pag-transfer sana sa mga narecover na oil waste mula sa lumubog na tanker.
Batay sa huling ulat ng PCG, umabot na sa 1,254,889 liters ng oil waste ang naiahon mula sa lumubog na tanker kung saan kahapon ay muling nalagpasan ng salvor team ang target nitong 200,000 liters kada araw at umabot sa 222,332 liters ang nasipsip.
Hanggang kahapon, nakapag-transfer na rin ang salvor team ng kabuuang 698,000 litro ng oil waste at nadala sa waste management facility sa Marilao, Bulacan para sa tamang disposal.
Maliban sa operasyon sa MT Terra Nova, itinigil din ng salvor team na FES Challenger ang operasyon nito sa MTKR Jason Bradley dahil pa rin sa banta ng bagyong Enteng.