Hindi pa rin ipinagpatuloy ngayong araw ang siphoning operations sa langis na laman ng MT Terra Nova na dating sumadsad sa Manila Bay noong nanalasa ang Super Typhoon Carina sa bansa.
Ito na ang ikatlong araw na walang siphoning operations sa lumubog na tanker mula nang sinuspinde ito noong September 2 habang nagbabanta ang bagyong Enteng.
Sa huling tala ng Philippine Coast Guard, umabot na sa 1,254,889 litro ng oil waste ang nasipsip mula sa sumadsad na tanker mula sa laman nitong mahigit 1.4 million liters.
Bagaman suspendido ang siphoning, itinuloy naman ng salvor team na Harbor Star ang pagtransfer sa mga narekober na oil waste patungo sa mga truck upang dalhin sa mga treatment facility sa Marilao, Bulacan.
Ngayong araw ay na nagawang mailipat ang hanggang 208,000 liters mula sa target na 410,000 liters.
Unang sinimulan ang pagsipsip sa langis na laman ng MT Terra Nova noong August 19.
July 25, 2024 noong tumagilid at tuluyang lumubog ang naturang tanker sa karagatan na tinatayang may lalim na 34 meters.
Nangyari ito habang nasa kasagsagan ang pananalasa ng bagyong Carina.