-- Advertisements --

Kinumpirma na ng outside spiker na si Sisi Rondina at setter na si Jia De Guzman na tinanggap na nila ang offer para maging bahagi ng national team na lalaban sa paparating na Asian Women’s Volleyball Challenge Cup o AVC Challenge Cup. 

Bahagi si Rondina ng women’s beach volleyball team kung saan nagkamit na ito ng bronze medals sa Southeast Asian Games kaya naman nasorpresa umano siya na tinawagan siya para maglaro sa indoor volleyball. 

Bukod kay Rondina, kinumpirma na rin ni 8x pro league best setter Jia De Guzman na maglalaro siya sa Asian volleyball competition.

Ito ay kahit na kababalik lamang nito ng bansa matapos maglaro bilang import player sa Japan. 

Sa isang panayam, sinabi ng decorated setter na excited na siya na maglarong muli para sa Pilipinas. Aniya, kahit kakaunti ang panahon ng preparasyon ay ibibigay umano niya ang lahat ng makakaya bitbit ang mga natutuhan niya bilang player sa Japan. 

Sa ngayon ay wala pang inilalabas na complete line-up ang Philippine National Volleyball Federation at Premier Volleyball League ng national team players na lalaban sa AVC Challenge Cup ngayong May 22 hanggang May 29 sa Rizal Memorial Coliseum kung saan host country ang Pilipinas. 

Kabilang ang bansa sa Pool A kaya makakalaban nito sa round-robin preliminaries ang volleyball team ng Chinese Taipei, India, Iran, at Australia. 

Ang mananalong kuponan ay lalaban naman sa FIVB Women’s Challenger Cup sa July.