VIGAN CITY – Hindi umano makakatulong sa pagpuksa sa 2019 novel coronavirus acute respiratory disease sa bansa ang pagtuturuan o pagsisisihan ng mga opisyal ng pamahalaan hinggil sa mabagal na contact tracing.
Gayundin ang iba pang hakbang upang malaman kung sinu-sino ang mga taong nakasalamuha nga dalawang Chinese nationals na nagpositibo sa nasabing sakit.
Ito ang binigyang-diin ni dating Health secretary at kasalukuyang Iloilo Rep. Cong. Janette Garin sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan.
Ayon kay Garin, nakasisira lamang umano ang pagtuturuan ng mga opisyal ng pamahalaan sa healthcare system ng bansa at nagpapakita na hindi umano nila kayang lusutan ang nasabing isyu.
Maliban pa rito, mas lalo lamang umanong mawawalan ng tiwala ang publiko sa mga opisyal ng pamahalaan lalo na sa Department of Health kung patuloy sa pagsisisihan ang mga ito.
Naniniwala ang kongresista na malalabanan umano ang nasabing sakit sa pamamagitan ng pagtutulungan ang mga opisyal ng pamahalaan at sa pagsugpo sa mga kumakalat na fake news.