Nanatiling matatag at matibay ang sistema ng pananalapi ng Pilipinas sa kabila ng mga hamon sa geopolitical at mga pagbabago sa mga polisiya ayon sa Financial Stability Coordination Council (FSCC)
Ang naturang pahayag ay matapos maglabas ang inter-agency nang kanilang report para sa 2024 Financial Stability Report (FSR) nitong Huwebes.
Ang Financial Stability Coordination Council ay isang inter-agency council na binubuo ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP), Department of Finance (DOF), Insurance Commission (IC), Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), at Securities and Exchange Commission (SEC).
Ayon pa sa Financial Stability Coordination Council, ang nararanasang matatag ng sistema ng pananalapi sa bansa ay dahil sa patuloy na pagbaba ng inflation, matatag na paglago ng ekonomiya, at malakas na international reserves ng bansa.
Binanggit din ng council na ang mga lokal na bangko ay may mataas na capital buffers at sapat na liquidity na magbibigay kakayahan naman sa financial system na tumanggap ng mga potensyal na pagkalugi at magsuporta sa ekonomiya.
Ipinunto rin sa ulat na walang mga palatandaan ng malalaking pagkakaiba sa presyo ng mga ari-arian sa financial markets, at may matatag na partisipasyon ang bansa mula sa mga domestic investor.