VIGAN CITY – Tiniyak ng provincial government ng Ilocos Sur na hindi umano maaapektuhan ang napirmahang sisterhood agreement ng kanilang lalawigan at Hubei province, China dahil sa paglaganap ng coronavirus disease 2019 (COVID- 19).
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan, binigyang-diin ni Governor Ryan Singson sa sulat nito kay Zhang Weiguo, vice chairman ng Chinese People’s Political Consultative Conference sa Hubei province na hindi umano magbabago ang pakikipagtulungan ng Ilocos Sur sa Hubei province sa larangan ng iba’t ibang larangan o sektor dahil sa isyu sa COVID-19.
Sa nasabi ring sulat, inihayag ni Singson ang pakikidalamhati ng lalawigan sa pamilya ng mga namatay dahil sa nasabing sakit at ang alay na dasal para sa mabilis na recovery ng mga naapektuhan nito.
Idinagdag pa ng gobernador na nakahanda umano ang lalawigan sa anumang tulong o suporta na maaaring hilingin ng Hubei province bilang tanda umano ng pagiging magkapatid ng dalawang probinsya.