-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Suliranin ng mga Pinoy sa Morocco ngayon ang posibilidad na mawalan sila ng tinitirhan matapos wala ng mga pambayad dahil nga nawalan sila ng trabaho sa patuloy parin na paglobo ng Covid-19 cases sa nasabing bansa sa North Africa.

Emotional na nagbahagi sa Star FM Bacolod si Ginang Sweetlyn Ansila, Overseas Filipino Worker sa Morocco, kung saan hindi nila alam kung saan pa sila kukuha ng makakain kapag naubos na ang naipon nilang pera sa mga susunod pang araw.

Mabuti pa aniya ngayon at may mga nagbibigay ng pagkain sa kanila galing din sa mga kababayan na mayroon pang stable na trabaho.

Dagdag pa ni Ansila na wala rin silang matakbuhan o mahingan ng tulong sa Philippine Embassy lalo pa at nasa Libya ang Consulate office at kasalokoyan din itong naka sarado.

Magiging mahirap din ang pagsisimula ng Ramadan dahil mas mahihirapan na silang makahanap o makabili ng pagkain kapag magsarado na ang mga pamilihan.

Ang Morocco ngayon ay mayroon ng 3,446 Covid-19 cases at umabot na sa 149 ang namatay.

Takot din na lumabas ang mga tao doon kabilang na ang mga Pinoy kung saan hinahampas pa ang mga mahuling lumalabag sa mahigpit na patakaran ng Moroccan Government sa pinapatupad na lockdown na aabot pa hanggang May 20, 2020.