-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Bumuo na ng Special Investigation Task Group (SITG) ang pulisya kaugnay ng pagpaslang kay dating police official retired P/Col. Ramiro Bausa at tumatakbo sa pagka-konsehal sa lungsod ng Legazpi.

Ayon kay Regional Peace and Order Council chairman at Legazpi City Mayor Noel Rosal sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, ipinag-utos na ang malalimang imbestigasyon sa naturang kaso na aminadong malaking setback sa peace and order para sa siyudad.

Nanawagan naman ang alkalde na huwag munang gagawa ng anumang konklusyon lalo na at lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na posibleng hindi pulitika ang motibo sa insidente, subalit hindi inaalis ang naturang anggulo.

Paliwanag pa ng opisyal na malayong barangay ang Barangay Cagbacong na pinangyarihan ng insidente habang nagtungo umano sa lugar ang biktima upang makipagkita sa kausap nito sa cellphone.

Samantala, kinakailangan aniyang mas maging maingat ang pagtalakay sa naturang isyu lalo na at hindi pa nalalaman ang totoong motibo sa krimen.