DAVAO CITY – Itinatag ngayon ang isang Special Investigation Task Group susubaybay sa mabilisang pag-usad ng kaso ng pagkamatay ng 28-anyos na babae na si Architech Vlanche Marie Bragas.
Binubuo ito ni Colonel Thor Valiente Cuyos mula sa Deputy Regional Director Office bilang pinuno ng task force, kasama ang Davao City Police Office at CIDG 11.
Ayon sa autopsy report na inilabas ng Regional Forensic Unit 11, kinumpirma na ginahasa at sinakal ang biktima na natagpuan sa isang kanal sa isang sagingan sa Calinan, Davao City.
Dahil dito, agad na itinaas ang kaso sa Rape with Homicide na kakaharapin ng suspek.
Napag-alaman din na huling namataan ang biktima bandang alas-12:30 ng madaling araw sakay ng isang dilaw na tricycle o “ongbak”.
Kinumpirma rin na isang trabahador sa banana plantation ang nakakita sa bangkay ni Bragas kinaumagahan matapos ang insidente.
HigiT na pinagtutuunan ng pansin ngayon ng DCPO ang anggulo na posibleng hindi lamang isang tao ang responsable sa pagkamatay ni Bragas.
Sa gitna ng pangamba sa nangyaring pagkamatay ni Bragas kung saan nakikita nila ito na banta sa kanilang kabuhayan, handa namangh tumulong ang mga opisyal ng barangay maging ang tricycle drivers association ng Brgy. Dacudao, Calinan para sa mabilis na pagkakahuli sa suspek.
Kasalukuyang walang lead ang DCPO sa pagkakakilanlan ng suspek, ngunit hinihikayat ngayon ang mga nakasaksi na ihayag ang kanilang nalalaman tungkol sa kalunos-lunos na sinapit ng babaeng biktima.
Paglilinaw ng pulisya na isolated case lamang ang insidenteng ito at walang dapat ipag-alala ang mga naninirahan sa Davao City sa kanilang seguridad.