-- Advertisements --

CEBU CITY – Kinumpirma mismo ng mga opisyal ng Barangay Luz, lungsod ng Cebu na pinalawig umano ang ipinatupad na “lockdown” sa Sitio Zapatera dahil sa COVID-19 pandemic.

Ito’y matapos na dumulog sa himpilan ang ilan sa mga residente ng nasabing sitio na ibinalik umano sa lockdown at naging mas mahigpit umano ang seguridad sa lugar, ilang oras mula nang na-lift ito noong Mayo 20.

Sa panayam ng Bombo Radyo sa barangay secretary at tagapagsalita ng Barangay Luz na si Eldebryan Arañez, sinabi nito na may nangyari umanong “miscommunication” sa panig ng Cebu City Government at City Health Department patungkol sa naging basehan ng pag-lift sa lockdown.

Dagdag pa nito na napag-usapan na ng mga barangay officals, ng kawani ng City Health Department, at ng Cebu City Government sa pamamagitan ni former Councilor Joey Daluz patungkol sa lockdown extension.

Dahil dito, humingi ng paumanhin si Arañez sa mga residente ng Sitio Zapatera sa naturang desisyon mula sa pamahalaan ng lungsod at tiniyak ang pagbibigay ng tulong sa mga apektadong residente.

Samatantala, una nang iginiit ng City Legal Officer na si Atty. Rey Gealon na may basehan umano ang pag-lift sa lockdown sa nasabing sitio matapos ang kabi-kabilang mass testing sa lugar.

Nilinaw naman ni Atty. Gealon, na syang tagapagsalita ng alkalde, na pinaiiral pa rin ang enhanced community quarantine (ECQ) sa buong lungsod.