Nakikita sa Pilipinas ang “pagbuti” sa sitwasyon nito sa COVID-19 sa patuloy na pagbaba ng mga naiulat na kaso ng COVID-19.
Inihayag ng isang analyst, ang pang-araw-araw na bilang ng mga naiulat na kaso ng COVID-19 sa nakaraang linggo ay hindi lumampas sa 4,000 na antas, at ang pinakahuling positivity rate ay bumaba na sa 12.4 percent, kumpara sa hindi bababa sa 18 percent ilang linggo na ang nakalipas.
Batay naman sa lingguhang pag-update ng COVID-19 ng Department of Health na inilabas noong Biyernes, ang Mindanao ay nagpapakita na ng mga palatandaan ng pag-stabilize ng kaso gayundin ang Visayas, habang ang iba pang mga lugar ay patuloy na nagpapakita ng mabagal na downtrend.
Gayunman, nilinaw ni DOH officer-in-charge Maria Rosario Vergeire na hindi pa stable ang mga numero kung kaya’t hinimok niya ang publiko na manatiling maingat.
Ang bansa ay nakapagtala ng 2,452 na bagong kaso ng COVID-19 sa bansa, na tumaas sa kabuuang 3,886,395 hanggang ngayon.
Sa mga bagong kaso, 712 ang nagmula sa Metro Manila.
Ang datos ng DOH ay nagpakita rin ng 46 na bagong pagkamatay na may kaugnayan sa COVID.
Itinaas nito ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa 61,910.