-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Iginiit ni Atty. Maria Juana Valera, regional director ng Comelec Cordillera na “manageable” ang sitwasyon ng politika sa probinsya ng Abra sa nalalapit na May 13 midterm elections.

Kasunod nito ang mga nangyayaring “election related incident” sa lagayan at sa nangyaring pamamaril sa bahay ng isang kandidato ng pagkakonsehal sa Pidigan, Abra.

Sinabi niya na ipapasigurado ng Police Regional Office-Cordillera (PROCOR) at Armed Forces of the Phillippines ang kanilang makakaya na magbigay ng seguridad sa kabuuang probinsya.

Dagdag niya na nananatili sa “red category” ang sitwasyon sa Abra at ang Comelec en banc ang magdedeklara kung maipasailalim ito sa Comelec control ilang araw bago ang eleksyon sa Mayo 13.

Kinumpirma nila na mayroong mga presinto sa Lagayan, Abra na pagsisilbihan ng mga kapulisan bilang electoral boards pagkatapos na naipasailalim ang mga ito ng pagsasanay at sinertipikahan ng Department of Science and Technology bilang IT capable.

Samantala, ipinasigurado ni Brig. Gen. Israel Ephraim Dickson na sapat ang augmentation mula sa PROCOR at mga personnel ng Armed Forces of the Philippines na maipapahatid sa nasabing probinsya.