ILOILO CITY – Inihalintulad sa zombie apocalypse film na “World War Z” ang sitwasyon sa airport sa Kabul, Afghanistan kung saan makikita ang mga Afghan civilians na desperado na makaalis sa kanilang bansa matapos naagaw na ng Taliban ang kanilang lugar.
Ayon sa ulat ni Bombo international correspondent Lorena Aurelio, Ilongga na nagtatrabaho sa isang logistics company sa Kabul, sinabi nito na ang problema ngayon sa Hamid Karzai International Airport ay ang pagdagsa ng mga tao sa exit points sa pag-asang makatakas sa mga Taliban.
Sinuspinde na rin anya ang commercial flights at international flights.
Napag-alaman na trending ngayon sa social media ang mga video ng mga tao na pilit na kumakapit sa US Air Force plane kahit pa take-off na ito kung saan ilan sa mga ito ay nahulog pa sa kanilang kamatayan.