VIGAN CITY – Kontrolado pa umano ng Abra Police Provincial Office ang sitwasyon sa lalawigan ng Abra kahit halos magkakasunod ang barilan na nagaganap sa pagitan ng magkakatunggaling grupo sa pulitika.
Sa impormasyong nakalap ng Bombo Radyo Vigan kay Col. Alfredo Dangani, provincial director ng Abra PPO, isolated cases lamang umano ang mga nangyayaring barilan o patayan sa lalawigan na pinaniniwalaang may koneksyon sa nalalapit na halalan sa susunod na buwan.
Aniya, sapat umano ang puwersa ng Abra PPO para bantayan ang seguridad ng mga residente kaya hindi pa umano kailangan sa ngayon ang pagsasailalim sa lalawigan ng Abra sa control ng Commission on Elections (Comelec).
Kaugnay nito ay hiniling ni Dangani sa mga magkakatunggaling pulitiko sa Abra, maging sa mga supporters ng mga ito na kung maaari ay iwasan nila ang magpang-abot sa mga lugar kung saan sila nangangampanya nang sa gayon ay walang barilan o patayan na mangyari.
Kung maaalala, noong nakaraang linggo ay isa ang patay at dalawa ang sugatan sa barilang naganap sa pagitan ng mga supporters ng incumbent mayor at mayoralty candidate sa Lagayan, Abra samantalang noong isang araw ay dalawa naman ang sugatan sa engkuwentro sa pagitan ng isang mayoralty candidate at incumbent ABC president sa bayan ng Tayum, Abra.