Balik normal at mapayapa na ngayon ang sitwasyon sa Masbate matapos ang serye ng bakbakan sa pagitan ng mga komunistang rebelde at security forces noong nakalipas na linggo.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Medel Aguilar, matapos ang insidente noong Marso 22 hindi na sila nakatanggap ng anumang impormasyon kaugnay sa kaguluhan na nangyari sa probinsiya.
Mas pinaigting pa aniya ang presensiya ng AFP sa probinsiya kasunod ng pag-atake ng mga rebelde.
Matatandaan na noong Marso 20, nakatanggap ng report ang personnel mula sa 22nd Infantry Battalion na nagsagawa ng security operation sa Barangay Villahermosa sa Cawayan town na isang armadong grupo ng mga kalalakihan ang namataan sa lugar.
Nangyari ang engkwentro sa pagitan ng militar at komunistang rebelde na ikinasawi ng isa sa mga sundalo.
Habang noong Marso 22 naman panibagong sagupaan ang nangyari naman sa may Barangay Locso-on sa bayan ng Placer na ikinasugat ng dalawang sundalo.
Nagdulot ito ng takot sa mga estudyante at mga opisyal sa paaralan na malapit mismo sa pinagyarihan ng engkwentro habang idinaraos ang Women’s Month dahilan para isuspendi ang mga klase.
Pinabulaanan din ni Aguilar ang claims ng NPA-Masbate command na nasa 11 sundalo at police officers ang namatay sa engkwentro.