KORONADAL CITY – Unti-unti nang bumabalik sa normal ang buhay ng mga mamamayan sa North Cotabato matapos ang pagyanig ng magnitude 6.3 na lindol na sumentro sa bayan ng Tulunan noong nakaraang linggo.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay North Cotabato PDRRMO Officer Mercy Forunda, bumubuti na ang sitwasyon sa naturang bayan kahit nararanasan pa rin ang ilang mga aftershocks.
Ito’y matapos nagpaabot umano ng bulig ang iba’t-ibang grupo at mga personalidad sa mga biktima ng lindol kabilang na ang provincial government ng North Cotabato na namahagi ng food packs sa mga barangay sa bayan ng Tulunan at Makilala.
Samantala, kinumpirma rin ni Forunda na umabot na sa mahigit 800 na aftershocks ang naitala ng Phivolcs kung saan halos 700 dito ang naramdaman habang 100 naman ang hindi masyadong ramdam ng mga residente.