-- Advertisements --

Kahit wala ang mga superstars na sina Kyrie Irving at Kevin Durant ay nagawa pa rin ng Brooklyn Nets na masilat ang NBA-leading Philadelphia 76ers, 122-109.

Sumandal ang Nets kay Joe Harris na umiskor ng season-high na 28 points.

Umalalay din sina Caris LeVert na kumamada ng 22 points, 10 assists at pitong rebounds, at Jarrett Allen na may 15 points at 11 boards para sa Nets.

Una rito, hindi naglaro si Irving dahil umano sa personal na dahilan, habang si Durant ay kasalukuyan pa ring naka-quarantine makaraang ma-expose sa isang pasyenteng may COVID-19.

Sinamantala ng Brooklyn ang maalat na performance ng Sixers, na pinangunahan naman ni Shake Milton na may season-high 24 points.

Naging mabagal din ang panimula ni Joel Embiid na nagtapos na may 20 points at 12 rebounds.