-- Advertisements --

Tuloy-tuloy pa rin sa pagkamada ng panalo ang Philadelphia 76ers, kasunod ng panalo laban sa Toronto Raptors, 116 – 102.

Naitala ng Sixers ang ika-20 panalo ngayong season sa pamamagitan ng pinagsama-samang 97 points na nagawa ng tatlo nitong episyenteng scorer: 33 points kay Tobias Harris, 33 points at 9 assists kay Tyrese Maxey, at 31 points, 10 rebs, 9assts naman kay Joel Embiid.

Hindi nakahanap ng kasagutan ang Raptors sa mistulang shooting spree na ginawa ng tatlong scorer ng Sixers. Kumamada naman ng 31 points si Pascal Siakam ngunit wala nang ibang Raptors player na nakagawa ng mataas na puntos maliban sa 19 points na ipinasok ni Jakob Poeltl.

Sinamantala ng Sixers ang kahinaan ng Raptors sa 3-pt area kung saan siyam na 3-pointers lamang ang nagawa nilang ipasok mula sa 33 attempts. Umabot sa 14 3-pointers ang naging sagot dito ng Sixers, mula sa 31 lamang na attempts.

Ang naturang panalo ay sa kabila ng mas maraming personal foul na nagawa ng mga Sixers players. Kumamada kasi ito ng 21 fouls habang 16 lamang ang nagawa ng Raptors.

Hawak ng Raptors ang 11 – 17 na win/loss record.