-- Advertisements --

Nagdeklara ng state of calamity ang pamahalaang lungsod ng Santa Rosa sa lalawigan ng Laguna dahil sa pertussis.

Ito ay matapos na makapagtala ng 15 pa na kaso ng nakakahawang sakit ang lokal na pamahalaan.

Nagbunsod ito sa pagrerekomenda ni Mayor Arlene Arcillas at ng local health office ng deklarasyon ng state of calamity para mapabilis ang pagpapalabas ng mga pondo at pagbili ng gamot at bakuna laban sa pertussis.

Matatandaan na una ng nagdeklara ng outbreak ng naturang sakit matapos na makapagtala ng mga akso ng pertussis sa 5 mula sa 18 barangay sa lungsod kabilang ang Dila, Market Area, Kaingin, Kanluran at Sinalhan.

Ang unang kaso ng nasawi dahil sa pertussis sa Santa Rosa ay isang sanggol mula sa Barangay Sinalhan noong Enero 30.

Isinailalim na rin sa isolation ang kamag-anak ng biktima at naghatid na rin ang pamahalaang lungsod ng pagkain at tulong pinansiyal sa apektadong pamilya.

Simula noong Enero nakapagtala na ng 48 kaso ng pertussis at 4 na ang nasawi sa Laguna.