CENTRAL MINDANAO-Nagsama-sama ang lahat ng mga Sangguniang Kabataan Chairpersons mula sa ibat-ibang Barangay ng Lalawigan ng Cotabato sa isinagawang Linggo ng Kabataan 2022 ngayong sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
Aktibong nakilahok sa Spoken Poetry contest at SK Got Talent na inihanda ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza at Sangguniang Panlalawigan Provincial Federation President Sarah Joy Simblante ang mga chairpersons na may layuning palakasin at paigtingin ang pagtutulungan at pagkakaisa ng mga kabataan sa lalawigan.
Sa mensahe ni Governor Mendoza, binigyang diin nito ang mahalagang papel na ginagampanan ng bawat kabataan bilang susunod na mga lider ng probinsya ng Cotabato kaya hamon nito na pagbutihin ang mga tungkulin bilang isang SK official.
Nagpasalamat naman si Governor Mendoza sa inisyatibo ng SK provincial federation na mag sagawa ng aktibidad bilang pakikiisa sa pagdiriwang ng ika-108 na anibersaryo ng probinsya ng Cotabato.
Ayon kay Prof. Framer Cristy P. Mella, Presidente ng Southern Philippines Methodist Colleges na gamitin ang kapangyarihan hindi para maging pinakamataas kundi para maging inspirasyon sa bawat kabataan sa kanilang komunidad.
Nakiisa rin sa aktibidad si DILG Provincial Director Ali Abdullah at Board Members Jonathan Tabara, Joemar Cerebo at Sittie Eljorie Antao at mga Local Youth Development Officer ng bawat munisipyo.