ILOILO CITY – Nadakip sa isinagawang illegal gambling raid ng mga pulis ang isang Sangguniang Kabataan (SK) Federation President at dating Barangay Official sa bayan ng San Miguel, Iloilo.
Ang nahuling SK President ay kinilalang si Kalil Adipa, 21-anyos, residente ng nasabing bayan.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay P/Maj. Jojo Tabaloc, hepe ng San Miguel Municipal Police Station, sinabi nito na huli sa aktong naglalaro ng cara y cruz si Adipa nang nagsagawa ng raid sa isang bahay sa lugar.
Ayon kay Tabaloc, kasama ni Adipa sa paglalaro ang dating opisyal ng barangay at siyam na iba pa.
Dagdag pa ni Tabaloc na wala na siyang magagawa sa sitwasyon ni Adipa dahil nandoon ito ng isinagawa ang raid, at ang hindi lang niya matanggap ay yung mismong SK Federation President ng kanilang bayan ang mismong sangkot sa iligal na gawain.
Nasamsam naman ng pulisya sa nasabing bahay ang toss coins, chalks at perang nagkakahalaga ng P5,400.
Sasampahan naman ng kasong paglabag Presidential Decree No.1602 o Anti Illegal Gambling law ang nasabing SK federation president at iba pang kasamahan nito.