CENTRAL MINDANAO-Inaresto ng mga otoridad ang isang opisyal ng pamahalaan na isinangkot sa kasong pambobomba sa lalawigan ng Maguindanao Del Sur.
Nakilala ang suspek na si Abdulwadod Sangki alyas Abdulwadud Amolan Sangki, 23 anyos,Binata,SK Federation President at residente ng Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao del Sur.
Hinuli si Sangki ng mga tauhan ng Regional Field Unit ng Criminal Investigation and Detection Group – Bangsamoro Autonomous Region (CIDG RFU BAR) sa Awang Airport sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.
Isinagawa ang pag-aaresto batay sa inisyung arrest warrant ng Presiding Judge ng 12th Judicial Region, RTC, Branch 1, Iligan City nitong October 7, 2022 para sa kasong paglabag sa Anti-Terrorism Act of 2020 (RA 11479).
Walang inirerekomendang piyansa ang hukuman para sa pansamantalang kalayaan ni Sangki.
Ayon sa CIDG-BAR, isa si Sangki sa mga itinuturong sangkot sa nangyaring pagsabog nitong nakaraang National and Local Elections sa Datu Abdullah Sangki Elementary School sa Brgy Poblacion sa bayan ng Ampatuan.
Si Sangki ay Rank 1 Municipal Level Most Wanted Person (MWP) ng Ampatuan Police Office at Rank No. 4 Regional Level MWP ng Police Regional Office – Bangsamoro Autonomous Region (PRO-BAR).
Matatandaan na una ng itinanggi ni Sangki na wala siyang kinalaman sa naturang pangyayari.
Sa ngayon ay nakapiit sa costudial facility ng CIDG-BAR sa Cotabato City ang suspek at naghihintay ng paglilitis sa korte.