-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nahuli ng pulisya ang presidente ng Sanggunian Kabataan (SK) Federation sa bayan ng Tago, Surigao del Sur at tatlong iba pa sa inilunsad na search operation.

Nakilala ang nahuling si Clarence Jay Casio Montenegro, 23, residente ng Purok Avocado Maroon, Brgy. Purisima, sa nasabing bayan.

Kasama din sa mga dinampot sina Jodricks Ciriaco Acasio Corpuz, 21, estudyante; Sherwin Cubay Montenegro, 40, isang job order employee ng LGU-Tago, at Kenard Bautista Quinoñes, 21, tubo sa nasabi ring bayan.

Inilunsad ang operasyon base sa Search Warrant dahil sa paglabag sa Republic Act 9165 na inilabas ni Judge Catalina Shineta Tare-Palacio, presiding judge ng 11th Judicial Region, Regional Trial Court Branch 41, na nakabase sa bayan ng Cantilan, Surigao del Sur na ipinalabas nitong nakalipas na araw.

Nakumpiska sa operasyon ang 32 sachets ng suspected shabu na may timbang na 8-gramos at tinatayang nagkakahalaga ng P94,400 kasama ang iba pang mga drug paraphernalia.