-- Advertisements --

Nahaharap sa patong-patong na kaso ang isang Sangguniang Kabataan Federation President sa Iloilo matapos sinilbihan ng Criminal Investigation and Detection Group Region 6 ng search warrant.

Ang subject sa search warrant ay si Mekhail Khalil Tadifa, 24, residente ng Barangay 11, San Miguel na isa ring ex-officio member ng Sangguniang Bayan sa San Miguel, Iloilo.

Sa panayam ng Bombo Radyo kay Police Major Jess Baylon, chief ng Investigation Section ng Criminal Investigation and Detection Group Region 6, sinabi nito na nakuha sa possession ni Tadifa ang isang granada, .45 caliber pistol at sampung bala, isang magazine assembly, dalawang bladed weapons, empty shells ng 38 revolver, suspected shabu residue at drug paraphernalia.

I-file na ngayong araw ang kasong paglabag sa Republic Act No. 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act, RA 9156 o Illegal Possession of Explosives, at RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Napag-alamang kontrobersyal na ang pangalan ni Tadifa sa Iloilo dahil noong buwan ng Agusto, binaril rin nito ang isang lalaking nakaalitan nito dahil sa schedule sa basketball tournament.