BAGUIO CITY – Arestado ang isang SK kagawad at isang negosyante sa Aurora Hill, Baguio City dahil sa patung-patong na kaso gaya ng paglabag sa Article 151 o ang Resistance and Disobedience to a Person in Authority, alarm and scandal at liqour ban.
Nakilala ang SK kagawad na si Rene Carion, 22-anyos habang ang negosyante ay si John Alexander Menor, 31-anyos, parehong residente ng Ambiong Barangay, Baguio City.
Batay sa report, nanggulo sa East Bayan Park, Aurora Hill ang dalawa na nagresulta sa pagkakaabala ng mga tao doon.
Sa interogasyon ay tinanong ng mga pulis kung bakit hindi nakasuot ng face mask ang dalawa ngunit arogante ang kanilang sagot at nagsisigaw pa ang mga ito sa harapan ng mga pulis.
Batay pa sa report, ipinagsigawan pa ni Carion na isa itong SK Chairman ng Barangay Ambiong.
Dahil dito, sa kulungan ang bagsak ng naturang SK kagawad at ang kasama nitong negosyante.