CENTRAL MINDANAO – Dalawa ang nasawi nang bumangga ang isang motorsiklo sa kasalubong nitong pick-up sa Kidapawan City.
Nakilala ang mga binawian ng buhay na sina Nilo Dayam Catihan Jr., 21, binata, isang SK kagawad, at pinsan nito na si Lady Ombaoy Catihan, 22, dalaga, at kapwa mga residente ng Brgy Ganatan, Arakan, North Cotabato.
Ayon kay Lt. Col. Bernard Tayong, tagapagsalita ng Cotabato Police Provincial Office, lulan ang magpinsan sa isang Motorstar na motorsiklo sa Brgy. Mateo, Kidapawan City at nagtangkang mag-overtake sa isang sasakyan ngunit bumangga ito sa kasalubong na Nissan Navara pick-up.
Dahil sa lakas nang pagkabangga ay tumilapon sa motorsiklo ang magpinsan.
Agad tinulungan ng mga residente ang mga sugatan at dinala sa Madonna General Hospital sa Kidapawan City.
Nagdesisyon ang mga doktor sa MGH na ilipat ang binata sa Southern Philippines Medical Center (SPMC) sa Davao City sakay ng Rescue 911 ambulance ngunit pagsapit nila sa Brgy Malasila, Makilala, North Cotabato ay binawian na ito ng buhay.
Habang ang kasama nitong dalaga na pinsan ng SK kagawad ay nasawi rin habang ginagamot sa ospital.
Sinabi naman ng driver ng pick-up na si Teofilo Siago na matulin umano ang takbo ng motorsiklo.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng traffic unit ng Kidapawan City PNP sa madugong vehicular accident.