CENTRAL MINDANAO- Nagsimula na ang 64 na mga dating miyembro ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa kanilang pagsasanay sa carpentry, masonry, at plumbing sa Farasan Institute of Technology Inc. sa Datu Odin Sinsuat, Maguindanao.
Ang nasabing pagsasanay ay isinasagawa ng Ministry of Basic, Higher, and Technical Education (MBHTE) at Ministry of Interior and Local Government (MILG) ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) at magtatagal ng 39 na araw.
Ayon kay MILG-BARMM Minister Atty. Naguib Sinarimbo, ang nasabing pagsasanay ay makatutulong sa pag-transform sa mga dating rebelde upang maging produktibong mamamayang Bangsamoro.
Samantala, sinabi ni MBHTE-BARMM Minister Mohagher Iqbal na sa pamamagitan ng Technical Vocational Education and Training (TVET) na programa ng ministry, maraming oportunidad ang maibibigay sa mga Bangsamoro learner na makatutulong upang maabot ang kanilang mga hangarin.
Nabatid na ang nasabing pagsasanay ay bahagi rin ng Project Tugon o “Tulong ng Gobyernong Nagmamalasakit” ng MILG-BARMM. Layon nito na magbigay ng humanitarian intervention sa mga dating rebelde upang sila ay matulungang makapagbagong buhay.
Pagkatapos makumpleto ang nasabing pagsasanay, iiindorso ng MBHTE-BARMM at MILG-BARMM ang mga benepisyaryo upang mapabilang sa mga bihasang manggagawa ng Ministry of Public Works.