Pinangalanan na ng Department of Agriculture (DA) ang brand ng processed meat product na nag-positibo sa African Swine fever (ASF).
Sa isang joint press briefing nitong umaga, kinumpirma ng Bureau of Animal Industry (BAI) na positive sa ASF ang produktong skinless longganisa at picnic hotdog ng Mekeni Food Corporation.
“Mekeni’s skinless longganisa and Picnic hotdog tested positive for ASF virus in two separate tests,” ani BAI director Ronnie Domingo.
Una ng nilinaw ng Department of Health (DOH) na hindi mapanganib sa tao ang pagkain ng karne ng baboy na positibo sa ASF.
Pero ayon sa officer in charge ng Food and Drug Administration na si Health Usec. Eric Domingo, posibleng masampahan ng administratibong kaso, gayundin na ma-revoke ang lisensya ng kompanya kapag napatunayang may pagkukulang sa kanilang hanay.
Kung maaalala, nakumpiska noong nakaraang buwan sa Calapan port, Oriental Mindoro ang ilang home-made at branded processed meat products na pinaghihinalaang positibo sa ASF.
Sa ngayon inaalam pa ng DA kung local o exported ang mga karneng baboy na ginamit sa naturang produkto na natukoy bilang ASF-positive.