Nagpaliwanag ang coaching staff ng Gilas Pilipinas kung bakit si Ginebra big man Greg Slaughter ang kanilang kinuha para mabuo ang kanilang Final 12 na sasabak sa 30th Southeast Asian (SEA) Games.
Si Slaughter ang humalili kay Roger Pogoy, na nagtamo ng back injury noong kampanya ng TnT KaTropa sa PBA Governors’ Cup.
Ayon kay Gilas coach Tim Cone, kasama naman talaga si Slaughter sa Final 12 kung hindi ito dumanas ng thumb injury.
“He would have been part of the original 12 if he had been healthy at the time. Now that he is healthy, we need his size on the national team,” wika ni Cone.
Kasama ni Cone sa Gilas line-up sina June Mar Fajardo, Christian Standhardinger, Japeth Aguilar, Troy Rosario, Vic Manuel, LA Tenorio, Stanley Pringle, Marcio Lassiter, Matthew Wright, Chris Ross, at Kiefer Ravena.
Bandang alas-8:00 ng gabi ng Miyerkules sasalang ang Gilas sa kanilang unang laro kontra sa koponan ng Singapore na idaraos sa Mall of Asia Arena sa lungsod ng Pasay.
Umaasa naman si Cone na malaki ang maidudulot kay Slaughyer ng kanyang kampanya sa SEA Games.
“We hope this will be a valuable experience for him for future stints in Gilas,” anang coach.