-- Advertisements --

Kinumpirma ng Slovakia ang kahandaan nito na pangunahan o mag-host sa peace talks sa pagitan ng Russia at Ukraine, halos 3 taon matapos sumiklab ang giyera sa pagitan ng 2 bansa.

Ito ay sa kabila pa ng akusasyon sa Slovakia na kaalyado ng Russia.

Inanunsiyo naman ni Putin noong Huwebes na nag-alok aniya ang Slovakia na maging platform para sa posibleng peace talks at hindi aniya tutol ang kanilang bansa dito.

Pinuri din ni Putin ang neutral position ng Slovakia sa naturang isyu. Subalit binigyang diin ni Putin ang kaniyang pangako na kanilang kakamtin ang lahat ng kanilang layunin sa Ukraine.

Ayon naman kay Slovakian Foreign Minister Juraj Blanar, ang anumang pag-uusap ay dapat na isagawa kasama ang partisipasyon ng lahat ng sangkot na mga partido kasama ang Russia, hindi gaya ng nakalipas na Summit on Peace in Ukraine noong Hunyo na idinaos sa Switzerland kung saan hindi inimbitahan ang Russia.

Ikinokonsidera naman ng Foreign Minister bilang isang positibong sinyales ang naging pahayag ni Putin para mawaksan na ang giyera sa lalong madaling panahon.

Sinabi din aniya ng Slovakia sa Ukraine noong Oktubre na handa itong mag-host para sa naturang peace talks.