BAGUIO CITY – Pinal ng inaprubahan ng Provincial Mining Regulatory Board (PMRB) ng Benguet ang small scale mining contract para sa kauna-unahang Minahang Bayan (MB) sa lalawigan at sa Cordillera Region.
Ayon kay Mines and Geoscience Bureau-Cordillera Regional Director at PMRB Chairperson Faye Apil, aprubado na sa kanila ang resolusyon na nag-apruba sa mining contract ng Loacan, Itogon Pocket Miners Association (LIPMA) sa Itogon, Benguet at ng pamahalaan ng Pilipinas.
Nakasaad sa People’s Small-Scale Mining Act of 1991 na ang small-scale mining contract ay ang co-production, joint venture o mineral production sharing agreement sa pagitan ng pamahalaan at ng small-scale mining contractor para sa small-scale utilization ng mineral land.
Idineklara ang 64 ektarya mula sa patented mining area ng Benguet Mining Corporation sa Antamok, Itogon bilang kauna-unahang Minahang Bayan sa Cordillera kung bawat small scale mining contract applicant ay pwedeng mag-apply ng maximum na 20 ektarya at minimum na 1.25 ektarya.
Sinabi ni Apil na 15 ektarya ng mining area ang naibigay sa LIPMA kayat may natitira pa para sa ibang mga kwalipikadong minero na gustong mag-apply ng small scale mining contract applicant para sa Minahang Bayan.
Epektibo ang small scale mining contract sa loob ng dalawang taon at renewable ito ng dalawa pang taon kung susunod ang contractor sa lahat ng mga requirements.
Gayunman, sinabi ni Apil na kailangan lamang ng LIPMA na kumuha ng Environmental Compliance Certificate mula sa Environmental Management Bureau.
Nakatakda ang official signing ng small scale mining contract sa Loacan, Itogon sa harap ng mga miembro ng LIPMA at mga residente.