Tahasang kinastigo ni Sen. Raffy Tulfo ang mga Small Town Lottery (STL) operators na hindi nagbibigay ng tamang benepisyo sa mga “kabos” o bet collectors.
Batay sa mga ulat na natanggap ni Tulfo, ang mga kabos ay hindi nakakakuha ng government-mandated work benefits tulad ng SSS, PhilHealth, at Pag-ibig.
Ayon kay Tulfo, kinausap nito ang ilang kabos mula sa iba’t-ibang lalawigan at wala daw silang natatanggap na benepisyo.
Masakit daw itong balita dahil bilyun-bilyong piso ang kinikita ng mga STL operators pero ipinagkakait sa kanilang mga empleyado ang benepisyo.
Sa pagdinig ng Committee on Games and Amusement kahapon, nabigo si Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) Chair Junie Cua na mapakita ang proof of remittances na nagpapatunay na ang mga operators ng STL ay nagbabayad sa SSS, PhilHealth at Pag-ibig ng mga kabos.