-- Advertisements --
received 1100193193501994

Sa kabila ng aberya sa katatapos na halalan, wala umanong balak ang Commission on Elections (Comelec) na palitan ang supplier ng vote counting machines (VCM) na Smartmatic.

Sa pagtatanong ng Bombo Radyo Philippines sa ipinatawag ng mga Comelec commissioners na press conference sa Comelec command center sa Philippine International Convention Center (PICC) sa Pasay City, sinabi ni Comelec Chairman Shariff Abas na mayroon umanong procurement law na dapat sundin at may bidding process pa ring dadaanan kung nanaisin nilang mapalitan ang mga makina.

Kailangan din umanong may experience ang bidder na kukunin ng Comelec.

Hindi rin iririkomenda ni Comelec Commissioner Marlon Casquejo ang pagpapalit ng kumpanyang magsusuplay ng mga makina.

Ito ay dahil maayos pa rin naman umano ang naging takbo ng halalan sa kabila ng mga glitches na naranasan.

Paliwanag niya, nagkaroon lamang ng tinatawag na Java error kanina sa transparency server pero binigyang diin nitong walang problema sa sistema ng halalan at wala rin itong epekto sa resulta ng mga nai-transmit nang election result.

Una rito ay iminungkahi ni Senate President Tito Sotto na palitan na Ang Smartmatic bilang poll provider dahil na rin sa aberya ng halalan kahapon.

Para naman kay Sen. Aquilino Pimentel III, nais raw niyang paimbestigahan sa kamara ang glitches ng VCM.