Sumuko na sa mga otoridad sa Estados Unidos si Smartmatic founder Roger Piñate upang harapin ang mga bribery at money laundering charges.
Batay sa report, nag-surrender si Piñate sa Miami federal court, kasama si dating Smartmatic vice president for hardware development Jorge Miguel Vasquez.
Kabilang sina Piñate at Vasquez sa apat na kataong dati nang na-indict ng federal grand jury nitong nakalipas na linggo dahil sa umano’y kinasasangkutang bribery at money laundering operations kaugnay sa 2016 elections sa Pilipinas.
Batay pa sa report sa US, agad nakalaya si Piñate matapos siyang maghain ng bail na nagkakahalaga ng $8.5 million o katumbas ng P484 million, habang si Vasquez ay nakalaya rin sa pamamagitan ng $1million bond (halos 57million).
Batay sa naunang inilabas na report ng US Justice Department, sina Piñate at Vasquez ay kapwa nasampahan ng conspiracy to commit money laundering at tig tatlong count ng international laundering of monetary instruments.
Kasama nila dito sina dating Commission on Elections Chair Andres Bautista at Elie Moreno na dating vice president ng Smartmatic global services unit.
Ayon pa sa US Justice Department, nagkuntsabahan sina Piñate at Vasquez na magbayad ng isang milyong dolyar kay Bautista.
Ang naturang bayad umano ay upang mapanatili ang kanilang ‘business’ kaugnay sa pagsusuply ng mga voting machine at iba pang election service para sa 2016 Elections sa Pilipinas.
Samantala, kung mapatunayang guilty ang apat, bawat isa ay maaaring maharap sa maximum penalty na 20 taong pagkakakulong dahil sa laundering charges.