Itinanggi ng dating election service provider ng Commission on Elections na Smartmatic ang alegasyon ng umano’y iregularidad sa tax reimbursement na nakuha nito mula sa poll body noong 2016.
Ginawa ng Smartmatic ang naturang paglilinaw matapos mabanggit sa indictment ng grand jury ng Amerika sa mga opisyal ng Smartmatic at kay dating Comelec chairman Andres Bautista ang reimbursement ng Comelec noon sa kwestyonableng ipinataw na P195 million na value-added tax (VAT) sa Smartmatic noong 2016.
Subalit sa inilabas na pahayag ng tanggapan ng Smartmatic, sinabi nitong aprubado ng Comelec en banc ang naturang reimbursement base sa naging ruling ng Bureau of Internal Revenue. Base sa desisyon ng BIR noong Abril 2016, sinabi nitong entitled lamang ang Comelec na mag-withhold ng 5%. Makalipas ang 4 na buwan noong August 2016, ni-reimburse ng Comelec sa ilalim noon ni Bautista ang natitirang 7% ng 12% VAT na nauna ng na-withhold.
Inihayag din ng Smartmatic na tumalima lang din aniya sila sa mga probisyon sa bidding documents na inisyu ng poll body para sa mga kontrata para sa 2016 general elections na nagsasaad na ang inaprubahang pondo ay kasama ang lahat ng buwis kabilang ang VAT.
Saad pa ng kompaniya na ang naturang probisyon ay hindi na bago pa dahil kasama din ito sa iba pang bidding documents sa nakalipas na automated elections kabilang na ang halalan noong 2013.
Samantala, sinabi naman ni Comelec chairman George Garcia na gagamitin nila ang iprinisentang ebidensiya sa naturang indictment para sa karagdagang imbestigasyon sa alegasyon sa bidding at tax fraud kaugnay sa 3 kontrata na nakuha ng Smartmatic mula sa Comelec.