Inihayag ni Commission on Elections Chairman George Garcia na maaari pa ring makibahagi ang Smartmatic sa bidding ng automated counting machines na gagamitin para sa 2025 midterm elections.
Sinabi ito ng Comelec chair sa gitna ng umano’y pagdedemanda ng US government kay dating Comelec Chairman Andres Bautista dahil sa pagtanggap umano ng suhol mula sa naturang elections technology company.
Subalit ayon kay Bautista hindi siya kinontak ng US Department of Homeland Security para magkomento kaugnay sa umano’y reklamo laban sa kaniya.
Nilinaw din nito na hindi siya humingi o nakatanggap ng suhol mula sa Smartmatic o anumang entity. Handa rin aniya itong sagutin ang alegasyon sa kaniya sa proper forum at sa tamang panahon.
Matatandaan na ang Smartmatic ang siyang provider ng automated counting machines simula ng lumipat ang bansa sa automated elections noong 2010.
Una ng sinabi din ni Garcia na isa ang Smartmatic sa mga kompaniya na inaasahan nilang makikibahagi sa bidding ng 110,000 automated counting machines na kailangan sa 2025.