VIGAN CITY – Pinawi ng Commission on Elections (Comelec) ang pangamba ng publiko na posibleng maulit muli ang mga kontrobersiya sa nakaraang mga halalan kung Smartmatic ulit ang mamamahala sa bilangan ng boto ng mga mamamayan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na ang poll body na ang bahala sa bilangan ng boto ng mga botante dahil nabili na ng ahensya ang mga vote-counting machines.
Ayon kay Jimenez, lahat ng teknolohiya na ginamit ng Smartmatic noong mga nakaraang automated elections ay hawak na ng Comelec kung kaya’t napakaliit na lamang ng papel ng naturang kompanya sa isasagawang mga halalan sa bansa.
Aniya, tanging technical support na lamang ang maaaring ibigay ng Smartmatic bilang bahagi ng pinirmahang kontrata ng poll body at ng nasabing ahensya.