-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Nakaalerto na ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (Pagasa) hinggil sa posibilidad na umabot hanggang Luzon ang polusyong dulot ng forest fire sa Indonesia.

Ito’y makaraang kumpirmahin ng mga otoridad na apektado ngayon ng “haze” ang ilang bahagi ng Mindanao at Visayas.

Sa panayam ng Bombo Radyo sinabi ni Pagasa deputy administrator for operations and services Dr. Landrico Dalidad Jr., kasalukuyang apektado ng light to moderate haze ang kanlurang bahagi ng bansa.

Dulot daw ito ng “particular matter 10” na masama umano para sa mga may hika.

Nakabantay ngayon ang Pagasa sakaling mag-abot ang usok at haze o “smaze” na mas mapanganib daw sa kalusugan ng tao.

Nakaapekto raw kasi ang hanging Habagat sa tuluyang pagpasok ng haze.

Sa ngayon patuloy daw ang koordinasyon ng Pagasa at Department of Environmental and Narural Resources para sa mga datos at pagsusuri.

Nakipag-ugnayan na rin ang state weather bureau sa Civil Aviation Authority of the Philippines para sa monitoring ng visibility ng mga sasakyang pang-himpapawid.