-- Advertisements --

Nagbigay na ng kanilang pahintulot ang pamunuan ng San Miguel Beer kay Coach Tim Cone upang tanggapin ang alok na paghawak sa Gilas Pilipinas para sa nalalapit na 30th Southeast Asian Games.

Una nang isiniwalat ng Samahang Basketbol ng Pilipinas (SBP) na nangingibabaw ang pangalan ni Cone sa listahan ng mga posibleng maging head coach ng men’s basketball program ng bansa.

Ayon kay San Miguel Corp. sports director Alfrancis Chua, suportado nila ang plano ng SBP na ipamando kay Cone ang Gilas.

Una nang inamin ni Cone na nagkaroon na sila ng pag-uusap ni SBP president Al Panlilio ukol sa nasabing paksa.

Sinabi ni Cone na kanya raw muna kakausapin ang kanyang pamilya hinggil sa paghawak nitong muli ng national team.

Hindi na bago kay Cone ang maging head mentor ng national team sapagkat pinamunuan na rin nito ang Centennial Team sa bronze-medal finish noong 1998 Asian Games sa Bangkok, Thailand.