CENTRAL MINDANAO – Nais ngayon ni Maguindanao Governor Bai Mariam Sangki Mangudadatu na ipatupad sa lahat ng mga kawani ng provincial government na ugaliing ngumiti kapag maghahatid ng serbisyo sa mamamayan ng probinsya.
Aniya, magaan daw kasi ang pakiramdam habang ngumingiti sa tuwing nagtratrabaho at nakaharap sa taong bayan.
Ayon kay Mangudadatu, maituturing na napakasimpleng direktiba ang smile policy ngunit malaki ang maitutulong nito.
Dahil dito, kampante aniya ang mamamayan na lumapit sa mga kawani ng gobyerno kung nakangiti palagi.
Nagpapakita din ito na sinsero at tapat sa sinumpaang tungkulin na makapaghatid na maayos na serbisyo sa mamamayan ng probinsya ang mga government employees.
Dagdag pa ng gobernadora, panahon na para ipadama sa taongbayan ang “bagong Maguindanao o gobyernong may malasakit sa Maguindanao.”