Matapos ang inihaing 30 days suspension ng National Telecommunication Commission laban sa Sonshine Media Network International o SMNI, hiniling ngayong araw ng kampo nito sa Court of Appeals na maglabas ng Temporary Restraining Order na pansamantalang magsususpinde sa naturang kautusan.
Personal na nagtungo ngayong araw ang legal counsel ng Swara Sug Media Corporation na tumatakbo sa ilalim ng SMNI na si Atty. Mark Tolentino.
Ayon kay Tolentino, naghain sila ngayong araw ng petition for certiorari, mandamus with prayer for injunction/TRO dahil sa palagay nila ay hindi na sila mabibigyan ng pagkakataong magpaliwanag upang mapabulaanan ang mga paratang na ibinabato laban sa kanila.
Punto ni Tolentino, ipinaubaya na kasi ng NTC ang kanilang authority sa Kamara na nagresulta naman sa paglalabas ng naturang suspension.
Naniniwala rin ito na ang penalty na ipinataw laban sa kanila ng NTC ay hindi dumaan sa tamang proseso.
Iginiit pa ni Tolentino na inabuso umano ng NTC ang kanilang kapangyarihan ng ng sinunod nito ang panawagan ng Kamara na suspendihin ng prangkisa ng Swara Sug Media Corp. ng dahil sa pagpapakalat umano nito ng maling at hindi tamang impormasyon.
Malinaw rin aniya na ang tanging mandato ng Kamara ay tumulong sa paggawa ng batas at hindi upang magpataw ng penalty.
Sa ngayon ,wala pang tugon ang NTC hinggil sa naturang usapin.