Itinuturong isa sa dahilan ng pagbagsak ng farmgate price ng sibuyas ang ibinibentang smuggled at imported na sibuyas online ayon sa grupo ng mga magsasaka.
Sinabi ni Samahang Industriya ng Agrikultura (Sinag) executive director Jayson Cainglet na ang pinuslit na sibuyas sa bansa ay ibinibenta sa murang halaga na P25 kada kilo sa online.
Bunsod nito, ayon kay Cainglet mula P29 kada kilo na farmgate price ng sibuyas tumaas ito ng P40 hanggang P42 subalit ngayon ay bumagsak ito sa P28 kada kilo.
Napipilitan din aniya ang mga magsisibuyas na magrenta ng mga espasyo sa bodega sa gitna ng mababang farmgate price.
Sinabi din ni Cainglet na nalulugi ang mga onion farmer dahil sa P29 kada kilo na farmgate price kung saan ang halaga ng production ay nasa P30 kada kilo na.
Binatikos din nito ang Bureau of Plant and Industry dahil sa kabiguan ng ahensiya na aksiyunan ang naturang usapin at nanawagan ng balasahan sa mga opisyal ng BPI.
Base sa monitoring ng DA, ang retail price ng lokal na pulang sibuyas ay pumapalo sa P70 at P150 kada kilo; ang lokal na puting sibuyas naman ay nasa P65 at P100 kada kilo; ang inangkat na pulang sibuyas naman ay nasa pagitan ng P90 at P100 per kilo at ang imported na puting sibuyas ay mabibili sa P80 at P120 kada kilo.