Pinatitiyak ni Sen. Imee Marcos sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan na ligtas at may sapat na suplay ng karneng baboy sa pamilihan.
Ginawa ni Sen. Marcos ang pahayag matapos kumpirmahin ni DA Sec. William Dar na positibo sa African Swine Fever(ASF) ang 14 sa 20 blood samples ng mga baboy na galing sa Rodriguez Rizal, Guiguinto, Bulacan at Antipolo city.
Dahil dito, hinikayat ni Marcos ang PPA at Bureau of Customs na higpitan ang pagmomonitor at pagbabantay sa lahat ng port of entry ng bansa para di makalusot ang smuggled meat products na posibleng kontaminado ng ASF.
Inalerto rin ng Senadora ang dept. of agriculture at DTI na tiyakin ang suplay at di magtataas ng presyo ng mga karneng baboy sa merkado kasunod ng ASF scare.
Pinababantayan din ni Marcos sa PNP, Bureau of Quarantine at NMIS ang mga karneng baboy na hinahango sa backyard piggery para di makalusot ang mga baboy na posibleng kontaminado ng ASF.
“Mahalaga na matiyak na hindi kontaminado ng ASF ang meat products na ihahanda sa pasko ng mga Pinoy. Dapat maging maingat ang mga otoridad sa pagbabantay sa mga alagang baboy at imported pork products bagamat walang direktang epekto sa kalusugan ng tao ang pagkain ng karneng baboy na may ASF virus,” diin ni Marcos.
Sa statement ni Health Sec. Francisco Duque tiniyak nito na hindi nagdudulot ng masamang epekto sa kalusugan ng tao ang African swine fever (ASF) basta nilulutp itong mabuti at hindi half-cooked ang karne.
“We want to allay the fears of the public by saying that, as long as pork is bought from reliable sources and it is cooked thoroughly, pork is safe to eat,” paliwanag ni Duque.
Inihayag ni Sec. Dar na may 7,416 baboy ang pinatay mula sa Antipolo, Rodriguez, Rizal at Guiguinto, Bulacan nitong nakalipas na buwan dahil sa nasabing sakit.
Ipinadala pa sa United Kingdom ang blood samples para suriin ng mga dalubhasa at napatunayan na apektado ang mga baboy ng ASF virus.