Iniulat ng Philippine National Police (PNP) na tinutunton nila ang mga posibleng aktibidad ng mga kriminal na nagpuslit ng mga paputok at nagre-repack ng mga kontrabando upang maipakita na ang mga produkto ay gawa sa lokal o locally made.
Ayon kay Col. Paul Kenneth Lucas, chief ng PNP Firearms and Explosives Office (FEO), mayroong pinapa-follow up ang Regional Civil Security Service Units partikular na sa area ng Region 3 at ilang parte ng Region 7 sa Cebu.
Ginawa niya ang nasabing pahayag bilang tugon sa mga tanong kaugnay sa modus ng mga smuggler ng paputok.
Paliwanag ni Lucas, hindi pinapayagan ng batas ang pag-angkat ng mga finished products ng mga paputok at pyrotechnic device.
Aniya, inatasan ni PNP chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang mga Regional Civil Security Service Units sa ilalim ng Civil Security Group na magsagawa ng operasyon laban sa mga ilegal na manufacturer, dealer at retailer ng paputok.