-- Advertisements --
Pacquiao roach
Pacquiao and Roach at Wild Card Gym (photo from Wendell Rupert Alinea)

LOS ANGELES – Gugulatin umano ni Sen. Manny Pacquiao si WBA welterweight champion Keith Thurman kung pag-uusapan ang bilis at liksi nito sa itaas ng ring.

Ito ang paniniwala ng isa sa best friend ni Pacman na si Manny Ferrer sa exclusive interview ng Bombo international correspondent Ponciano “Doc John” Melo Jr. mula sa Los Angeles.

Ayon kay Ferrer sa tagal na rin niyang nakasama sa training camp ang eight division world champion, naikukumpara niya ang ilang mga bagay na ginagawa noon at ngayon pagdating sa larangan ng ensayo.

Tulad na lamang na mas doble ang ginagawa nito ngayon.

“Nakikita ko itong training ngayon talaga everything not only 100 percent, its over the top. He’s doubling everything. Doubling the run ‘yong takbo, doubling the abs, the sit up, its non-stop.”

Sa tingin Ferrer, nagpapakita lamang daw ito na may misyon ang fighting senator na ipatikim kay Thurman ang matinding pagkatalo.

Aniya, kung kilala umanong malakas ang mas batang si Thurman, doble naman ang angking lakas ng Pinoy ring icon.

Inaasahan din ni Ferrer na sa mga suntok ni Manny ay mahihirapan mahuli ito ni Thurman at kung saan siya patatamaan.

“Bago siya makasuntok kay Senator Pacquaio dapat mahuli niya, hindi niya mahuli. Sobrang bilis. Sobra talaga ang kondisyon,” ani Ferrer sa Bombo Radyo.

MANNY FERRER WITH SEN MANNY PACQUIAO
Manny Ferrer with Manny Pacquiao

Samantala, muli na namang nagyabang si Thurman na ambisyon niya na mapatulog o maipanalo via technical knockout ang laban niya kay Pacquiao sa July 21 sa Las Vegas.

Naniniwala si Thurman na dahil sa may edad na si Pacquiao ay magtatapos na ang mahaba nitong boxing career sa kanyang kamay.

Giit pa ni Thurman, nais niyang patunayan na nagbabalik na ang pinakamatindi niyang sarili sa pamamagitan ng ipapakita niyang world class performance.

Una na ring bumwelta ng kantiyaw ang trainer ni Pacman na si Freddie Roach, na malaki na ang ipinagbago ni Thurman sa huling tatlong laban kumpara noong kabataan pa nito.

May hinala tuloy ang Hall of Famer coach na baka may itinatago pa rin na sakit sa katawan si Thurman makaraang dumanas ito ng injury at dalawang taon na hindi umakyat ng ring.