CAUAYAN CITY – Labis na natutuwa ang mga magulang ni Cadet 1st Class Gemalyn Sugui sa kanyang malaking achievement bilang topnotcher sa Philippine Military Academy (PMA) “Masidlawin” Class of 2020.
Ang ama ng kadete ay si George Sugui, magsasaka at dating barangay kapitan ng San Antonio Minit, Echague, Isabela habang ang kanyang ina na si Selma Sugui ay Grade 1 teacher sa San Fabian Elementary School sa Echague, Isabela.
Si CDT 1CL Sugui ay 25-anyos at bunso sa apat na magkakapatid.
Dalawa ang kanyang kapatid na pulis.
Ang kanyang ikalawang kuya ay nakatalaga sa BJMP habang ang ikatlong kapatid ay miyembro ng PNP Special Action Force sa Taguig City.
May mga pulis at sundalo ring kamag-anak ang kanyang mga magulang.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan sa mga magulang ni Gemalyn, sinabi nila na hindi man nila personal na madadaluhan ang graduation ng kanilang anak ay natutuwa pa rin sila at lubos nilang ipinagmamalaki ang kanilang anak sa pagiging ng No. 1 sa top 10 mula 196 na magtatapos sa PMA ngayong taon.
Ayon kay Ginoong Sugui, makaraang magtapos ang kanyang anak sa kursong Bachelor of Science in Economics sa University of the Philippines (UP) Baguio City ay nagpaalam siya sa kanila na kukuha ng PMA Exam at nakapasa.
Sinabi pa ni Mr. Sugui na nalaman lamang nila sa Bombo Radyo Cauayan nang puntahan sila kaninang umaga at sa kanilang kaibigan na number 1 ang kanilang anak dahil hindi sinabi sa kanila bagamat noong nag-aaral ay sinabi niya sa kanila na siya ay nasa top 10.
Aniya, alam niyang kakayanin ni Gemalyn ang physical at mental pressure at mahirap na training sa PMA ngunit ipinagdasal niya sa Poong Maykapal na gabayan at bigyan ng lakas ang kanyang anak para malalampasan ang anumang pagsubok na mararanasan niya sa loob ng akademya.