GENERAL SANTOS CITY – In high spirits ngayon ang Soccsksargen Warriors na magpapatuloy ang ipinapakitang magandang performance sa nagpapatuloy na Palarong Pambansa 2019 sa Davao City.
Ito ang sinabi sa Bombo Radyo GenSan ni Jojo Duhilag, Physical Education Sports Supervisor sa DepEd 12.
Aniya, target nilang mahigitan ang 23 gold medals na nasungkit sa Palarong Pambansa noong nakaraang taon sa Vigan, at umaasang makaakuha ng nasa 30 at higit pang gintong medalya.
Isa sa ipinagmamalaki ngayon ng Region 12 makaraang ma-break ni Hazel Domocum na taga South Cotabato ang 5.07 meters record sa Long Jump ni Alyssa Marie Andrade mula sa Region 6-Western Visayas (The Blue Barons) noong 2010 Palarong Pambansa sa Tarlac City.
Ito’y sa pamamagitan ng kaniyang bagong record na 5.08 meters nitong Martes at nakamit ang gintong medalya.
Nabatid na sa batay sa partial and unofficial medal tally ng palaro, nasa ikaapat na pwesto ang Soccsksargen na may 18 gold, 19 silver at 8 bronze medals.
Inaasahan namang madadagdagan pa ito sa iba pang events kagaya ng taekwondo, archery, badminton, table tennis, tennis at boxing.