GENERAL SANTOS CITY – Nagbubunyi ang Soccsksargen Warriors sa naging magandang performance sa Palarong Pambansa 2019.
Ito’y matapos umakyat ng tatlong baitang sa rankings ng palaro at nakamit ang ika-apat mula sa ika-pitong puwesto noong Palarong Pambansa 2018 sa Vigan, Ilocos Sur.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan kay Jojo Duhilag, Physical Education Sports Supervisor sa Department of Education Region 12 (DepEd-12), inihayag nitong alam na ng Soccsksargen ang gagamiting technique upang maiangat ang record sa palaro sa susunod na taon na gagawin sa San Jose Occidental Mindoro.
Nabatid na humakot ang Soccsksargen ng 26 gold, 43 silver at 40 bronze medals sa katatapos lamang na 2019 Palarong Pambansa sa Davao City.
Ayon ka Duhilag, naging susi sa naturang tagumpay ang 35 araw na maagang training camp kaya’t nalampasan ang Northern Mindanao, Central Luzon at iba pang team sa rankings.
Ipinagmalaki rin umano ng DepEd-12 ang dalawang pambato na naging record-breaker long jump elementary at archery.
Napag-alamang naglaan ng P3 milyon si DepEd-12 Director Allan Farnazo para sa incentives ng mga nanalong atleta.
Nasa P20,000 ang insentibo ng nakakuha ng gold medal, P5,000 sa silver at P3,000 sa bronze medal.
Nitong hapon ay umuwi na rin ang delegasyon ng Soccsksargen pagkatapos ng ginanap na closing ceremony.