ROXAS CITY – Mistulang nakalabas sa kulungan ang mga tao sa lungsod ng Roxas kasunod sa pagsailalim na sa lalawigan ng Capiz sa General Community Quarantine (GCQ) ngayong araw.
Hindi katulad noong panahon na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine ang Capiz na konti lamang ang makikitang mga tao sa kalsada, ngayong ibinababa na sa GCQ ay marami na ang lumabas sa kanilang mga bahay at nagpunta sa mga malls.
Ito sa kabila na hindi pa lahat ng mga stores sa malls ang pinayagang magbukas ngunit na-miss aniya ng iba ang pamamasyal kaya lumabas sila ng bahay.
Nabatid pa na ilang tricycle ang hindi nagpatupad ng social distancing kung saan binalewala lamang nila ang paalala ng gobyerno na isang pasahero lamang ang maaari nilang ma-pick up, ngunit umaabot sa tatlo hanggang apat ang sakay na pasahero.
Samantala, hindi nasunod ang social distancing sa releasing ng social amelioration program sa mga benepisyaryo ng cash assistance ng pamahalan.
Ito matapos na dumagsa ang mga benepisyaryo sa mga malls para matanggap ang P6,000 na cash assistance ng gobyerno.
Nabatid na humaba ang pila dahil late na ng dumating ang mga teller na siyang magre-release ng pera ng mga benepisyaryo.
Samantala dumating naman ang mga pulis para tumulong sa pagpapatupad sa social distancing.